sa bawat araw na ginawa ng Diyos, hanap tayo ng hanap ng tsinelas. hindi mo man ito mapapansin, ang paghahanap sa pares ng iyong tsinelas ay isa sa mga paulit ulit mong ginagawa pag gising sa umaga. kadalasan, natatandaan mo kung saan mo ito iniwan. Minsan naman, hindi mo alam kung san mo ito nalagay. Pero sa bawat galaw mo, sa loob man o sa labas ng bahay, kailan mong suotin ang iyong tsinelas.
tsinelas. dalawang kapirasong goma na swak na swak sa dalawa mong paa. ang pinaka komportable mong sinusuot. walang stress. simple. abot kaya.
sa lahat ng mga tsinelas na ginawa ng bansang china, iisa lang ang paborito mong tsinelas na pambahay, di ba? iisa lang ang nakakabit sa iyong dalawang paa kahit saan ka pumunta, iisa lang ang nagbibigay ginhawa sa iyo mula sa pagdating mo galing skwela o opisina. kahit saan ka man pumunta, anjan lang ang tsinelas mo, naghihintay kung saan mo man ito huling iniwan.
gusto kong maging tsinelas mong pambahay.
gusto kong ako ang hinahanap mo tuwing umaga. at maghihintay sa iyo hanggang sa pag uwi mo sa gabi, hindi ako aalis sa kung saan mo man ako iniwan.
alam kong marami kapang tsinelas na sinusuot. meron ka ding mamahaling sapatos na iba't iba ang disenyo. pero ako pa rin ito, ang simple mong tsinelas. ang pangunahing pangangailangan mo sa tuwing pagod ka.
kaladkarin mo ako kahit saan. saktan mo ako. sa tuwing ginagamit mo ako, napupudpod ang gomang kung saan ako gawa. pero ayos lang. tandaan mo, kung saan ka man mapadpad, kasama mo ako, at napudpod ang pagkatao ko para lang sa iyo.
suotin mo ako sa mga oras na nakapambahay ka. alam ko na sa kabila ng iyong tagumpay sa buhay, suot mo ang naggagandahan mong sapatos. pero ang mas mahalaga, sinusuot mo ako sa mga oras na ikaw ay ikaw. ako ang totoong may nakakaalam ng tunay mong pagkatao. ang pagiging tsinelas ko ang maglalapit sa katauhan mo at katauhan ko.
gusto kong maging tsinelas mong pambahay. na sa tuwing sinusuot mo ako, masaya ka at walang problema. gusto kong maging pinakakomportableng bagay sa buhay mo. ako ang magbibigay sa iyo ng ginhawa sa kabila ng iyong pagsusumikap sa buhay.
kahit saan ka man pumunta. kahit gaano ka man katagal bago bumalik. ilang sapatos man ang bilhin mo. ilang tsinelas man ang kahawig ko.
ako ang iyong tsinelas pambahay.
No comments:
Post a Comment